Pagdating sa paninigarilyo, mas marami ang masamang epekto kaysa sa mabuti. Basahin ang artikulong ito tungkol sa mga panganib na dulot ng paninigarilyo, kasama ang ilang tips para maiwasan ang bisyong ito.
Bakit Masama ang Paninigarilyo?
“Smoking is hazardous to your health” – ito’y isang kataga na madalas mong marinig o mabasa sa mga ad at mga payong pang-kalusugan. Pero, ang paninigarilyo ay nananatiling isang karaniwang bisyo. Para sa marami, nagdudulot ito ng ginhawa at nagbabawas ng pagkanerbyos dahil nakakakalma ito. Para rin sa ilan, ito ay bahagi na rin ng pang-araw-araw na gawain, at ang pagtigil nito ay hindi madali.
Ngunit mahalagang maunawaan na ang paninigarilyo ay nagdudulot ng mas maraming pinsala kaysa sa kabutihan. Ang usok ng sigarilyo ay naglalaman ng higit sa 4,000 na kemikal, kasama na ang higit sa 60 na mga carcinogens (mga substance na maaaring magdulot ng kanser). Ang pinsalang nararanasan ng taong naninigarilyo ay nakasalalay sa kanilang patuloy na exposure sa mga kemikal na ito. Sa isang bahagi, ang carbon monoxide ay pumapalit sa oxygen sa dugo, na maaaring makaapekto sa pagtakbo ng iba't ibang organs ng katawan. Bukod dito, ang tar na isang malagkit at kulay-kahel na substance sa loob ng sigarilyo ay dumidikit sa mga baga at maaaring makaapekto sa paghinga ng isang tao.
Ang carbon monoxide at tar, kasama ang iba pang mga nakakalason na kemikal sa sigarilyo ay maaaring magdulot ng problema para sa iyong kalusugan, sa mga paraan tulad ng:
- Pagiging sanhi ng mga sakit sa baga. Ang paninigarilyo ay maaaring magdulot ng mga problema sa baga sa pamamagitan ng pagsira sa airways at air sacs.
- Pagbuo ng mga problema para sa puso. Ang mga kemikal sa usok ng sigarilyo ay nagpapakapal at nagpapakitid sa mga daluyan ng dugo. Ito ay maaaring humantong sa mga cardiovascular diseases tulad ng atherosclerosis, coronary heart disease, at stroke.
- Ang paninigarilyo ay nagdudulot rin ng pagtaas sa blood pressure at isa itong risk factor sa stroke, isang medical condition na maaaring magdulot ng pinsala sa utak at kamatayan.
- Pagdistorbo sa mabilisang pagtugon ng resistensya. Ang usok ng sigarilyo ay maaaring makagambala sa balanse ng immune system ng iyong katawan. Nakakaapekto ito sa immune response at maaaring humantong sa mga autoimmune conditions.
- Paglilimita sa paggalaw. Dahil sa carbon monoxide, hirap at pagtibok ng puso. Kapag nangyari ito, nagiging mas mahirap ang ehersisyo at maging ang pang-araw-araw na pisikal na gawain.
- Nakakaapekto sa fertility. Ang paninigarilyo ay maaaring magdulot ng kawalan ng lakas o impotence at mababang sperm count. Natuklasan din sa mga pag-aaral na ang mga babaeng naninigarilyo ay maaaring mahirapan na magbuntis.
- Ang paninigarilyo ay isang ring risk factor para sa iba't-ibang uri ng kanser.
Paninigarilyo: Isang Masamang Bisyo na Maaring Itigil
Ang pagtigil sa paninigarilyo ay mas madaling sabihin kaysa gawin; at iba-iba ang karanasang ito kada tao. Habang ang iba ay madaling makalimutan ang bisyong ito, ang iba ay kailangan magsumikap para tuluyan itong maiwasan. Upang matulungan kang simulan (o ipagpatuloy) ang iyong proseso ng paghinto, tingnan ang mga tips na ito.
Gumawa ng START Plan
Gaya ng nabanggit, ang pagtigil sa paninigarilyo ay hindi madali para sa iba. Ang posible ay ang unting pag-abot sa smoke-free days sa tulong ng isang plano. Ang START plan ay isang gradwal na istratehiya na tutulong sa pagtigil ng paninigarilyo at kinabibilangan ito ng mga sumusunod na hakbang.
- Set o itakda ang isang petsa o araw na sisimulan ang paghinto
- Talk o sabihan ang mga kapamilya at mga kaibigan tungkol sa iyong planong huminto
- Ayon sa isango asahan at pagplanuhan ang mga posibleng hamon
- Remove o alisin ang mga sigarilyo mula sa iyong paligid.
- Talk o kausapin ang iyong doktor tungkol sa mga “withdrawal symptoms” na maaari mong maranasan
Alamin ang Mga Triggers
Lalo na para sa mga matagal nang naninigarilyo at araw-araw itong ginagawa, makakatulong ang paglilista ng mga triggers na nag-uudyok o nagiging dahilan ng bisyong ito. Ang mga triggers ay may apat na kategorya:
- Emotional triggers o matinding emosyon na naghihikayat sa iyo na manigarilyo
- Pattern triggers o partikular na pang-araw-araw na gawain tulad ng pag-inom ng kape, pagmamaneho, o pagpahinga mula sa trabaho
- Social triggers o partikular na mga okasyon tulad ng pagdalo sa malalaking kaganapan
- Withdrawal triggers o mga kondisyon kung saan ang iyong katawan ay sabik manigarilyo
Ang pag-alam sa iyong mga triggers ay makakatulong sa paggawa ng plano para maiwasan mo ang paninigarilyo.
Tandaan Kung Bakit Mo Ito Ginagawa.
Gusto mo bang itigil ang bisyong ito para sa mga taong kadalasan mong nakakasalamuha? Kapag tinatak mo sa iyong isipan ang dahilan para itigil ang paninigarilyo, tutulong ito na mapanatili ka sa tamang landas para itigil ang bisyo na ito.
Kumunsulta sa Medical Professional
Kung kailangan ng eskpertong payo tungkol sa kalusugan, kumunsulta sa doktor o medical professional. Maaari silang magrekomenda ng mga solusyon na angkop sa iyong kalusugan at pamumuhay.
Maaaring maging mahirap sa una ang pagtigil sa paninigarilyo. Ayon sa mga pananaliksik, ang karamihan ng mga taong tumigil sa bisyong ito ay dumaan muna sa ilang mga pagsubok bago sila tuluyang nagtagumpay. Ang mahalaga, patuloy kang nagsumikap na itgil ang paninigarilyo dahil magiging maganda ito para sa kalusugan mo.
References:
https://www.medicalnewstoday.com/articles/10566
https://www.healthline.com/health/smoking/effects-on-body
https://www.medicalnewstoday.com/articles/322526
https://www.medicalnewstoday.com/articles/240820
https://www.helpguide.org/articles/addictions/how-to-quit-smoking.htm
https://www.healthline.com/health/how-to-quit-smoking#1
https://www.stroke.org.uk/sites/default/files/smoking_and_the_risk_of_stroke.pdf
https://smokefree.gov/challenges-when-quitting/cravings-triggers/know-your-triggers
https://vapingfacts.health.nz/vaping-to-quit-smoking/vaping-vs-other-ways-of-quitting.html