Take note of the many ways alcohol can harm your body.

Inuman na Naman? 5 Nakakapinsalang Epekto ng Alak sa Katawan

Here’s why you should say no to one more drink.

Take note of the many ways alcohol can harm your body.

Inuman na Naman? 5 Nakakapinsalang Epekto ng Alak sa Katawan

Here’s why you should say no to one more drink.

‘Di maitatanggi ang pagmamahal ng mga Pinoy sa alak, isang bote man yan pagkatapos ng trabaho o isang shot sa mga party o selebrasyon. Bagama't hindi masama ang uminom ng alak paminsan-minsan, maaari itong makapinsala kung gagawin nang labis.

Ayon sa Centers for Disease Control and Prevention (CDC), ang karaniwang alcoholic drink ay naglalaman ng 0.6 oz. na alcohol, katumbas ng 14.0 grams o 1.2 tablespoons. Upang maging mas tiyak, ganito karaming alcohol ang matatagpuan sa bawat inumin:

  • Beer: 12 oz. ay may 5% alcohol content
  • Wine: 5 oz. ay may 12% alcohol content
  • Spirits o liquor1.5 oz. ng mga inumin tulad ng gin, rum, vodka, o whisky ay may 40% alcohol content

Dahil dito, ang labis na pag-inom ng alak ay maaaring mahati sa dalawang klase:

  • Binge drinking: Pag-inom ng lima o higit pang inumin sa isang okasyon para sa mga lalaki, o apat o higit pang inumin sa isang okasyon para sa mga babae
  • Heavy drinking: Pag-inom ng 15 o higit pang inumin sa isang linggo para sa mga lalaki, o walo o higit pang inumin sa isang linggo para sa mga babae

Ang madalas na binge o heavy drinking ay masama, dahil ayon sa pananaliksik, ang mataas na antas ng alcohol ay nauugnay sa maraming problema sa kalusugan. Ayon nga sa World Health Organization (WHO), tatlong milyong pagkamatay ang naitatala taon-taon dahil sa labis na pag-inom ng alak.

Kaya bago ka uminom ng alak, pag-isipang muli ang desisyong ito. Narito ang lima lamang sa mga negatibong epekto ng labis na pag-inom ng alak.

  1. Malaking pagbaba sa kakayahang magmaneho na maaaring humantong sa mga aksidente at injuries
    Ipinakita ng mga pag-aaral na ang mga driver na nasa ilalim ng impluwensya ng alak ay nababawasan ng katatagan o steadiness sa kamay at kakayanang kontrolin ang preno at ang manibela. Ang mga driver na nakainom ay hindi na rin nakapagbibigay-pansin sa kanilang kapaligiran. Halimbawa, hindi na nila napapansin ang kanilang posisyon sa kanilang lane, ang mga tawiran sa kalye, at pati ang bilis ng sasakyan.

    Dahil dito, kung plano mong lumabas at magmaneho, huwag uminom. Ang paalala na ito ay mas mahalaga kung ikaw ang itinalaga o designated driver, dahil hindi mo nanaisin na ilagay sa panganib ang buhay ng iyong mga pasahero.

  2. Pagtaas ng panganib para sa alcohol poisoning
    Ang alcohol poisoning ay nangyayari kapag ang iyong katawan ay hindi epektibong nakakapag-proseso ng mataas na antas ng alak sa iyong sistema. Ang panganib sa alcohol poisoning ay lubhang tumataas kapag uminom ka nang sobra-sobra sa loob lamang ng maikling panahon. Sa panahong ito, ang iyong hininga, tibok ng puso, at gag reflex ay maaaring maapektuhan.

    Kasama sa mga karaniwang sintomas ng alcohol poisoning ang pagkalito, mabagal o hindi regular na paghinga, pagsusuka, seizures, mababang temperatura ng katawan, kawalan ng malay, at/o asul o maputlang balat. Kailangan ng agarang medikal na atensyon kapag lumitaw ang mga sintomas na ito dahil maaari itong lumala at maging banta sa buhay.

  3. Pagtaas ng panganib para sa mga problema sa atay
    Ang atay ay higit na responsable para sa pag-breakdown at pag-metabolize ng alak, pagsala at pag-alis ng dumi sa katawan, paggawa ng bile na tumutulong sa pagtunaw ng pagkain, at paglikha ng mga protein na kailangan ng katawan.

    Ang labis na pag-inom ng alak ay maaaring magdulot ng negatibong epekto sa iyong atay at magpataas ng panganib para sa mga sakit tulad ng fatty liver o steatosis, alcoholic hepatitis, fibrosis, liver cirrhosis, o liver cancer.

  4. Pagtaas ng panganib para sa cardiovascular o heart-related problems
    Habang ang alcohol ay hindi direktang nakakaapekto sa iyong puso, maaari itong magdulot ng high blood pressure na nagpapahirap sa napakahalagang organ na ito. Kung hindi magagamot sa paglipas ng panahon, ang problemang ito ay maaaring maglagay sa iyo sa panganib para sa mga problema sa puso.

    Ang mga problemang tulad ng mataas na level ng cholesterol, cardiomyopathy (kondisyon na nakakaapekto sa mga muscle ng puso at nagdudulot ng kahirapan sa pagsu-supply ng dugo sa iba pang bahagi ng katawan), arrhythmias (irregular na heartbeats), high blood pressure, heart failure, at stroke ay konektado sa pag-inom ng alak.

  5. Pagtaas ng panganib sa mga mental health problems
    Pinipili ng ibang tao ang pag-inom ng alak bilang isang “coping mechanism” dahil ito ay nakakapagpasaya sa kanila. Gayunpaman, ang labis na pag-inom ng alak ay maaari ring magpalala ng iyong mental health.

    Sa katunayan, kapag nawala na ang epekto ng alcohol, maaari itong maging sanhi ng paglala ng mga sintomas ng depresyon o anxiety., Ayon sa resulta ng isang pag-aaral naman noong 2017 na isinagawa sa mga estudyante ng mga unibersidad sa Australia, ang mga umiinom ng labis na alak ay dumaranas ng moderate o mataas na "psychological distress" at nahaharap sa mga problemang maiuugnay sa pag-aaral.

    Higit pa rito, ang patuloy na pag-abuso o pag-inom ng labis na alak ay maaaring magresulta sa alcohol use disorder (AUD), na mas kilala bilang alcoholism o alcohol addiction. Ang mga taong nahaharap sa AUD ay pinapayuhang kumunsulta at humingi ng gabay mula sa isang mental health professional.

Subukan Ang Ibang Alternatibo sa Alak

Sa susunod na hanapin ng iyong katawan ang alak, pigilan ang sariling uminom. Sa halip, piliin ang mga inuming ito na hindi magdudulot ng matinding pinsala o epekto sa katawan:

  1. Kumbinasyon ng soda at sariwang prutas: Mukha itong simpleng kumbinasyon, pero ang pagdadagdag ng sariwang prutas ay nagbibigay ng lasa sa soda. Tandaan na uminom lamang ng soda nang hinay-hinay dahil mataas pa rin ito sa asukal na maaari ring makaapekto sa iyong kalusugan.

  2. Berries at tubig na may yelo: Tulad ng kumbinasyon ng soda at sariwang prutas, ang mga berries na hinalo sa malamig na tubig ay maaaring makapagpagaan at makapagpa-refresh sa iyong pakiramdam.

  3. Kombucha: Para sa mga hindi pamilyar dito, ang kombucha ay gawa sa yeast, asukal, at black tea. Dumadaan ito sa isang linggong proseso ng pagbuburo o fermentation na bumubuo ng bacteria, acid, at maliit na halaga ng alcohol.

    Ang kombucha ay sinasabing mabula at may matamis-at-maasim na lasa, at mayroong healthy probiotic bacteria at B vitamins.

Sa susunod na alukin ka ng isang baso (o dalawa) ng alak, pag-isipan at tandaan ang mga potensyal na negatibong epekto nito. Kung mapapansin mo ang matinding epekto o sintomas pagkatapos uminom ng alak, humingi kaagad ng medikal na atensyon. Maaari ka ring kumunsulta sa isang doktor kapag ikaw ay nahimasmasan o nasa mabuting kondisyon na para malaman kung bakit ito nangyayari at kung paano ito matutugunan.


References:

https://www.who.int/news-room/fact-sheets/detail/alcohol

https://www.cdc.gov/alcohol/fact-sheets/alcohol-use.htm

https://americanaddictioncenters.org/alcoholism-treatment/body-effects

https://www.hindawi.com/journals/mpe/2014/607652/

https://www.ncbi.nlm.nih.gov/pmc/articles/PMC5489147/

https://www.mayoclinic.org/diseases-conditions/alcohol-poisoning/symptoms-causes/syc-20354386

https://www.mayoclinic.org/diseases-conditions/cardiomyopathy/symptoms-causes/syc-20370709

https://www.hopkinsmedicine.org/health/conditions-and-diseases/alcoholinduced-liver-disease

https://www.hopkinsmedicine.org/health/wellness-and-prevention/alcohol-and-heart-health-separating-fact-from-fiction

https://www.bhf.org.uk/informationsupport/heart-matters-magazine/medical/effects-of-alcohol-on-your-heart

https://www.webmd.com/mental-health/addiction/what-to-know-about-alcohol-and-mental-health

https://www.cancervic.org.au/preventing-cancer/limit-alcohol/tips-to-reduce-your-drinking

https://www.eatthis.com/best-drinks-to-have-giving-up-alcohol/

https://www.medicalnewstoday.com/articles/322731

Send This Article

Related Articles