Isa sa mga pangunahing sanhi ng pagkamatay sa buong mundo ay ang sakit na kanser. Kahit sino ay maaaring magkaroon nito, at ang mga pinaka-karaniwang apektado ay ang mga taong may bad habits. Itong mga poor at unhealthy lifestyle choices ang pwedeng maging sanhi ng mahabang listahan ng mga health issues, kabilang na dito ang kanser.
Ang kanser ay sanhi ng mutation ng DNA sa loob ng cells. Ang DNA sa loob ng isang cell ay may malaking bilang ng mga indibidwal na genes. Ang bawat isa ay tinuturuan ang cells kung ano ang kanilang dapat gawin at kung kailan sila dapat lumaki at mahati. Ang mga error sa prosesong ito ay maaaring maging sanhi ng paghinto ng normal na paggana ng cell at mag-pahintulot sa isang cell na magkaroon ng kanser. Ang mga kanser na hindi naagapan ay may potensyal na kumalat sa maraming bahagi ng katawan.
Maaaring maiwasan ang kanser sa pamamagitan ng pamumuhay ng simple. Gayunpaman, hindi dapat balewalain ang panganib ng pagkakaroon ng kanser.
Bagamat may mga factors gaya ng genes at family history na hindi kontrolado, ang pag-iwas sa bad lifestyle habits ay tumutulong na bawasan ang posibilidad ng sakit na ito.
Narito ang ilang masasamang gawi na dapat iwasan:
Hindi Pagkakaroon ng Regular na Ehersisyo
Kung hindi ka mag-eehersisyo, mas malaki ang panganib na sumobra ang iyong timbang. Ang obesity ay nagdaragdag ng panganib ng insulin resistance. Kung ang isang tao ay insulin resistant, siya ay mas madaling nakakagawa ng mga fat cells at mas mahihirapang sirain ito. Ang pagtaas ng timbang, pamamaga, at hormone disruptions ay nagpapataas ng panganib ng kanser. Maliban sa timbang, pinapataas rin ng insulin ang cell production at binabawasan ang cell death. Nangangahulugan ito na may mas maraming oportunidad para may mangyaring mali sa loob ng katawan at ma-develop ang kanser. Ang pangmatagalang pagtaas naman ng insulin level ay nagpapataas rin ng risk para sa kanser sa suso, prostate, at colorectal.
Mahabang Sun Exposure
Mahalagang gawing bahagi ng pang-araw-araw na skincare routine ang sunscreen. Gumamit ng sunscreen kahit na sa maulap na panahon. Magpahid ng sapat para matakpan ang balat, lalo na kung ikaw ay lalangoy. Ngunit kung maaari, mas mainam na manatili sa loob ng iyong bahay kung masyadong mainit ang araw sa labas.
Paninigarilyo
Ang usok ng tabako o sigarilyo ay may higit sa 7,000 na kemikal. Hindi bababa sa 250 ay kilalang nakakapinsala, at hindi bababa sa 69 ay kilalang sanhi ng kanser. Sa buong mundo, ang paggamit ng tabako ay ang pinakamalaking maaring iwasang sanhi ng kamatayan at pumapatay ng higit sa 8 milyong tao bawat taon, mula sa kanser at iba pang mga sakit.
Pagkain ng Processed Food
Dahil sa hectic schedule, maaaring maging mahirap ang pagluluto ng masustansyang pagkain. Kaya't kadalasang umaasa ang mga tao sa fast food at mga processed na karne. Tinukoy ng World Health Organization ang mga processed meats bilang group 1 carcinogens. Ito ay nangangahulugan na may malinaw na ebidensiyang ang mga karneng ito ay nagpapalaganap ng kanser (karaniwang kanser sa tiyan).
Walang Sapat na Pahinga
Ang mga tao, madalas pinipilit gawin ang lahat nang bagay nang sabay-sabay, na nakakasama sa kanilang pisikal at emosyonal na kalusugan. Sa pamamagitan ng pagbabalanse ng iyong iskedyul, maaari kang humantong sa isang malusog na pamumuhay at mabawasan ang iyong panganib na magkaroon ng ilang mga sakit.
Habang kailangang magsikap sa trabaho o pag-aaral, mahalagang malaman kung kailan dapat mag-unwind at magpahinga. Tandaan na ang iyong immune system ay humihina kapag ikaw ay kulang sa tulog. Ang mahinang immune system ay nagdaragdag ng panganib na magkaroon ng ilang mga kanser.
Pag-inom ng Alak
Ang labis na pag-inom ng alak ay naiuugnay sa ilang kanser (dibdib, atay, bibig at lalamunan). Kung mas marami kang iniinom na alak, mas mataas ang iyong panganib. Ang mga inuming may alkohol ay may ethanol. Kapag ang ethanol ay na-metabolize ng katawan, nagiging acetaldehyde ito. Sinisira ng acetaldehyde ang DNA na nakakaapekto sa kakayahan ng mga cells na gumaling nang mag-isa.
Paggamit ng mga Toxic Materials sa Bahay
Ang panganib ng kanser ay maaaring tumaas bilang resulta ng exposure sa mga pollutant sa kapaligiran at mga free radicals. Ang mga free radicals ay mga substances na nakakadulot ng cell damage. Ang bleach, mabangong kandila, at panlinis sa banyo ay ilan sa mga gamit sa bahay na maaaring mapanganib sa iyong kalusugan. Laging sundin ang mga direksyon kapag ginagamit ang mga produktong ito. Subukan ring limitahan ang paggamit ng mga ito hangga't maaari.
Katulad ng pag-check ng mga sintomas, ang maagang diagnosis ay isang mahalagang hakbang upang maiwasan ang kanser. Kumunsulta sa iyong doktor kung tingin mo ay mataas ang tyansa mo na magka-kanser.
Alamin pa ang tungkol sa kanser at tingnan ang mahahalagang impormasyon mula sa Hope from Within.
References:
https://www.cancer.gov/about-cancer/causes-prevention
https://www.who.int/activities/preventing-cancer
https://www.mayoclinic.org/healthy-lifestyle/adult-health/in-depth/cancer-prevention/art-20044816