Ang diagnosis ng kanser ay mahirap na harapin, at kung sasabayan pa ito ng mental health illness, pwede itong maging mas malaking hamon. Ang pagkakaroon ng mental health illness ay maaaring makaapekto sa pananaw ng isang tao tungkol sa sakit na ito, at mabawasan ang kanyang kakayahang tumugon sa paggamot.
Pero hindi dapat mawalan ng pag-asa ang isang taong may kanser, dahil may mga paraan para maibsan ang sitwasyon. Bukod sa tulong para sa mga pisikal na sintomas, maaari ring kumuha ng emosyonal at mental na suporta mula sa mahal nila sa buhay.
Bagama't ang diagnosis ng kanser ay magdudulot ng malaking pagbabago sa buhay ng pasyente, hindi ibig sabihin na ito’y hatol na ng kamatayan o death sentence.
Ang pagkakaroon ng kanser ay madalas na nagdadala ng takot. Pwedeng matakot o mag-alinlangan ang tao dahil walang katiyakan ang mga pagsubok na kanilang haharapin. Kasama na rito ang mga test o pagsusuri na dapat gawin, posibleng gamot, reaksyon ng katawan sa gamot, at pati na rin ang mga side effects nito.
Para sa karamihan ng mga Pilipinong may kanser, ang gastos sa paggamot ay maaaring malaki at nakakalula. Sa kabutihang palad, may mga paraan para mas madaling harapin ang stress at anxiety na dulot ng diagnosis ng kanser.
Narito ang ilang pinakamahusay na kagawian na maaaring gusto mong isaalang-alang o ng iyong mahal sa buhay pagkatapos makakuha ng diagnosis ng kanser upang mapanatili ang maayos na kalusugan ng isip sa buong paglalakbay sa kanser.
Tanggapin na Okay Maging Vulnerable
Ang panghihina sa ilang bahagi ng ating buhay ay natural lamang sa bawat tao. Kahit na ang kanser ay isa sa mga karaniwang sakit sa buong mundo, nakakagulat pa rin ang ma-diagnose nito. Maaaring makaranas ng pagdagsa ng mga emosyon, tulad ng kalungkutan, pagkataranta, pagkabalisa, at galit. Upang hindi na madamay ang mga kamag-anak at mahal sa buhay sa bugso ng emosyon, ang ilang mga pasyente ay napipilitang magpakatatag kahit may pinagdadaanan sila.
Tandaan na normal makaramdam ng iba't ibang emosyon. Ang isang tao ay maaaring makaramdam ng matinding takot sa isang araw, ngunit pwedeng maging optimistiko o positibo sa susunod. Tandaan na mayroon kang karapatan na maramdaman anumang emosyon na pinagdadaanan. Hayaan ang iyong sarili at umiyak at magalit kung kailangan — hindi mo kailangang pilitin ang sarili mo na maging kalmado at positibo.
2. Makipag-usap Kapag Kinakailangan
Karaniwang pakiramdam ang kagustuhang maglaho pagkatapos malaman na mayroon kang kanser. Bagama't mas nanaisin mong itago ang iyong emosyon, ang pakikipag-usap o pagbabahagi ng iyong nararamdaman ay tutulong sa pagpapanatili ng optimal na physical, emotional, at mental health habang ika’y lumalaban sa sakit.
Ang kakayanang ipahayag ang iyong mga damdamin ay maaaring magpalakas sa iyo at sa mga taong nakapaligid sa iyo. Magkaroon ng tapat at “two-way” na komunikasyon sa iyong mga mahal sa buhay, doktor, at iba pa. Hindi ka obligadong ipakita ito sa social media; pwede mong ibahagi lang ito sa iyong mga kapamilya at malalapit na kaibigan lamang.
Sa pamamagitan ng pagiging tapat sa iyong mga mahal sa buhay, maaari mong ipaalam sa kanila ang hinaing mong i-trato ka lamang ng normal. Maaari ka ring gumawa ng listahan ng mga napili mong paraan ng paggamot na pinag-usapan niyo ng iyong doktor.
3. Panatilihin ang Malusog na Pamumuhay
Ang kanser at ang paggamot nito ay maaaring magdulot ng stress at pagod. Ang malusog na pamumuhay ay maaaring makapagpabuti sa iyong energy levels. Bumuo ng consistent na pang-araw-araw na routine sa pag-eehersisyo, sapat na pagtulog, at pagkain ng masusustansyang pagkain. Makipag-usap sa iyong doktor tungkol sa mga aktibidad at mga pagkain na kailangan upang mapanatili kang aktibo at handa para sa iyong paggamot.
4. Alamin ang Iyong Mga Limitasyon
Sa kabilang banda, pakinggan ang iyong katawan kung kailangan nitong magpahinga. Sa panahong ito, maaari kang magnilay-nilay at mag-decompress. Okay lang na humingi ng pahinga pagkatapos malaman na mayroon kang kanser, lalo na kung wala kang gana o lakas para kumilos. Huwag magalit sa iyong sarili kung hindi mo kayang maging produktibo. Magkaroon ng oras araw-araw upang pagnilayan ang mga bagay na mahalaga sa buhay mo, at gumawa ng mga gawaing tutulong para maisakatuparan ang iyong mga goal o layunin sa oras na ito.
5. Humingi ng Tulong sa Iyong Gastusing Medikal
Dahil ang mga paggamot sa kanser ay kadalasang napakamahal, maaari itong magdala ng mga problemang pinansyal sa iyong pamilya. Ang psychological pressure na dulot ng lumalaking utang at gastusing medikal ay maaaring maghikayat sa pasyente na itigil na ang kanyang pagpapagamot.
Makakatulong ang pagiging tapat sa iyong sarili habang sinusuri ang pondong gagamitin para sa pagpapagamot. Makipag-usap sa isang pinagkakatiwalaang kapamilya na may sapat na kaalaman tungkol sa mga health insurance policy. Kung ikaw ay namomroblema sa pera, buksan ang isipan tungkol sa paghingi ng tulong sa iyong mga mahal sa buhay.
Ang pag-unawa sa uri ng kanser, mga risk factor, sanhi, sintomas, at mga treatment option, kabilang na ang side effects at survival indicators ay ang isang malaking hakbang sa pagharap sa sakit na ito. Planuhin kung paano mo ito epektibong haharapin kasama ng iyong mga mahal sa buhay, malalapit na kaibigan, katrabaho, at iyong doktor.
Kung na-diagnose ka na may kanser, at gusto mong matuto tungkol sa iyong pagdadaanan kasama ang mga treatment option at access sa mga ito, o kung gusto mong magbahagi ng kwento sa ibang mga pasyente ng kanser para sa kanilang mental health, maaari mong tingnan ang Makakatulong ang Hope from Within.
References:
https://www.mayoclinic.org/diseases-conditions/cancer/in-depth/cancer-diagnosis/art-20044544
https://www.cancerresearchuk.org/about-cancer/coping/emotionally
https://www.brainandlife.org/articles/how-to-share-diagnosis-with-friends-family
11 tip para makayanan ang diagnosis ng kanser – Mayo Clinic Health System
Kapag May Kanser ang Isang Kakilala Mo | American Cancer Society