Kapag naririnig ng karamihan ang salitang "cholesterol," naiisip agad nila ang "sakit sa puso," at halos lahat ay natataranta kapag mataas ang kanilang cholesterol. Ngunit bago ka matakot o mag-alala, alamin muna ang iilang bahagi tungkol sa cholesterol.
Cholesterol: Isang Pangunahing Building Block ng Katawan
Una, ang cholesterol ay mahalaga sa ating katawan at ating kalusugan. Narito ang mahahalagang tungkulin at gamit ng cholesterol:
- Bahagi ng lahat ng cell membranes
- Kinakailangan sa signal transmission ng mga nerves
- Precursor (pangunahing sangkap) ng lahat ng steroid hormone, kasama na ang mga hormones na kailangan para sa regulasyon ng blood pressure, pagtugon sa stress, at pagpaparami gaya ng estrogen at testosterone
- Precursor ng Vitamin D (na hindi talaga isang bitamina, pero isang hormone), na may maraming tungkulin sa katawan, tulad ng pagpapalakas ng resistensya at pag-regulate sa mga emosyon
- Precursor ng bile salts, na mahalaga sa pagtunaw at sa paglabas ng dumi mula sa katawan
May masamang reputasyon ang cholesterol dahil maaari itong magdulot ng mga problema sa kalusugan kung nasobrahan ang katawan mo rito at na-oxidize ang karamihan sa mga ito.
Nakasanayan na nating tingnan ang cholesterol base lamang sa level nito: kapag mas mataas ito sa normal na level ay masama ito; kung mas mababa naman ito sa isang level ay mabuti ito. Pero ang cholesterol ay higit pa rito.
Iba't ibang Uri ng Cholesterol
Ang "lipoproteins" ay nagdadala ng dalawang uri ng cholesterol sa katawan gamit ang ating bloodstream: High-Density Lipoprotein (HDL) na kilala bilang "good" cholesterol, at Low-Density Lipoprotein (LDL) na kilala bilang "bad" cholesterol.
Ang LDL cholesterol ay nagdadala ng cholesterol sa mga cells na nangangailangan nito. Pero, ito ang isa mga bumubuo ng atherosclerotic plaques, na naiipon sa mga arterial walls at maaaring magdulot ng pagbara sa daluyan ng dugo. Ang HDL cholesterol naman ay ang nagdadala ng labis na cholesterol mula sa mga tissue pabalik sa atay. Sa tulong ng organ na ito, mailalabas ang cholesterol mula sa katawan.
Ang Kahalagahan ng Lipid Profile Tests
Ang iyong tangkad, timbang, at physical status ay hindi maaasahang panukat ng iyong cholesterol level. Sinusukat ng lipid profile test ang dami ng total, LDL, at HDL cholesterol sa iyong bloodstream.
Ang reference ranges para sa mga lipid levels para sa pangkalahatang populasyon* ay:
- Ang total cholesterol na mas mababa sa 200 mg/dL ay itinuturing na “ideal.” Ang mga reading sa pagitan ng 200 mg/dL at 250 mg/dL ay itinuturing na “slightly elevated,” habang ang reading na higit sa 250 mg/dL ay “significantly high.”
- Ang ideal na antas ng HDL ay 60 mg/dL o mas mataas, pero katanggap-tanggap na rin ang mga reading na hindi bababa sa 40 mg/dL para sa mga lalaki, at hindi bababa sa 50 mg/dL para sa mga babae.
- Ang LDL levels na mas mababa sa 100 mg/dL ay itinuturing na katanggap-tanggap, pero mas mainam na pababain sa 70 mg/dL ito.
*Maaaring mag-iba ang target levels sa mga taong mayroong co-morbid at chronic na kondisyon.
Higit pa sa pagtingin sa cholesterol level, tingnan din ang ratio sa pagitan ng iba't ibang cholesterol at HDL cholesterol. Isinasama na ito ng ilang lab sa kanilang mga resulta. Ang ratio na ito, ayon sa pananaliksik, ay mas mahusay na “predictor” ng panganib para sa cardiovascular disease kumpara sa pagtingin lamang sa total cholesterol at LDL levels.
Para malaman ang iyong total cholesterol/HDL ratio, i-divide ang iyong total cholesterol sa iyong mga HDL levels (siguraduhing gumagamit ka ng parehong unit para sa mga halaga, mmol/L o mg/dl man ito). Ang ratio na 5 o mas mataas ay nagpapahiwatig ng mas mataas na panganib para sa cardiovascular disease; habang ang ideal na ratio naman ay 3.5 o mas mababa.
(Iba pang mga factors para sa total cholesterol/HDL ratio mo ay ang laki, density, at oxygenation ng mga particle ng LDL. Pero, ang mga “advanced” na lipid tests na ito ay hindi pa available sa bansa.)
Masasamang Epekto ng Mataas na Cholesterol
Kung masyadong maraming LDL cholesterol sa katawan, masyadong maliit at siksik ang mga particles nito, o marami na sa mga ito ang na-oxidize dahil sa free radicals, pinapataas nito ang iyong panganib para sa cardiovascular disease tulad ng atake sa puso, hypertension (aka high blood), at stroke.
Maraming factors ang maaaring magpataas ng iyong cholesterol levels: diet, pagkukulang sa ehersisyo o pag-upo nang labis-labis, paninigarilyo, pag-inom ng alak, at mataas na stress. Ang iba pang mga medical conditions tulad ng insulin resistance, diabetes mellitus, at obesity ay maaaring maging sanhi din sa mas mataas na antas ng cholesterol.
Bilisan ang Pagbawas sa Iyong Cholesterol
Ang pakikipag-usap sa iyong doktor ay ang dapat na una mong hakbang kung mayroon kang mataas na cholesterol. Matutulungan ka nila sa paglikha ng isang epektibong estratehiya para sa pagpapabuti ng kalusugan.
Maaari ka ring gumawa ng ilang mga self-care measures tulad ng pagkain ng balanced diet at regular na pag-eehersisyo, upang mapababa ang iyong cholesterol. Makatutulong rin ang mga supplements at maaaring kailanganin din ng gamot. Bawasan ang iyong panganib para sa sakit sa puso at kontrolin ang iyong cholesterol levels sa tulong ng mga rekomendasyong ito.
Tuklasin ang iba pang kaalaman tungkol sa diet, pagbabago sa lifestyle, at mga paraan para mapababa ang panganib para sa mataas na cholesterol levels sa pamamagitan ng pagbisita sa Tamang Alaga website. Upang matuto nang higit pa tungkol sa kolesterol at iba pang mga isyu sa kalusugan, huwag kalimutang i-click ang link.
References:
https://www.cdc.gov/cholesterol/ldl_hdl.htm
https://www.cdc.gov/cholesterol/myths_facts.htm
https://www.heart.org/en/health-topics/cholesterol
https://www.mayoclinic.org/diseases-conditions/high-blood-cholesterol/symptoms-causes/syc-20350800
Cholesterol ratio o non-HDL cholesterol: Alin ang pinakamahalaga? – Mayo Clinic
Ratio ng Cholesterol: Lalaki kumpara sa Babae, HDL kumpara sa LDL, at Higit Pa (healthline.com)