Kapag nabanggit ang salitang “self-care” agad naiisip ng mga tao ang isang taong nag -rerelax sa hot tub na may face mask at pipino sa mga mata. Isa lamang ito sa mga paraan para alagaan ang sarili ngunit mayroon pang iba't ibang klase ng self-care!
Ayon sa mga researchers, ang self-care ay ang multifaceted at multidimensional (maraming aspeto at bahagi) na proseso ng pag-iisip ng iba't-ibang paraan para mapabuti ang kalusugan at well-being ng tao. Ang mga gawaing pang-self-care ay hindi lamang nakakabuti sa pisikal na kalusugan at itsura, kundi nagpapalakas din ng iyong mental, spiritual, at emotional health.
Sa katunayan, binibigyang-diin ng National Institute of Mental Health sa U.S. na ang pagsasagawa ng self-care ay maaaring makatulong sa pag-manage ng stress levels, pag-boost ng enerhiya, at pag-iwas sa pagkakasakit.
Kung gusto niyong matuto ng self-care, nguni’t hindi alam kung saan magsisimula, magpatuloy sa pagbabasa! Tandaan ang mga pinakamahusay na tips sa self-care para sa mental health na maaari ninyong gawin kahit nasa bahay.
- Mag-ehersisyo kung kaya Inirerekomenda ng ilang eksperto na maglaan ng 30 minuto ng ehersisyo upang mapabuti ang mood at pangkalahatang kalusugan. Gayunpaman, kung nahihirapan kang mag-ehersisyo o wala kang gana, subukan maglakad-lakad sa parke o sa inyong neighborhood. Kahit ang pinakamaliit na pisikal na aktibidad ay maaaring magdulot ng pagbabago.
Kung ikaw ay na-injure noon o mayroong iba't-ibang mga sakit, siguruhing kumunsulta muna sa iyong doktor o physical therapist bago mag-ehersisyo nang sobra. Ang ilang mga ehersisyo ay maaring magdulot ng negatibong epekto, magdulot ng bagong injury o palalain ang mga dati nang sakit.
- Matulog nang pito hanggang siyam na oras kada gabi: Pinapaalala ng mga mananaliksik na napakahalaga ng sapat na tulog sa pangangalaga ng iyong pangkalahatang kalusugan, kasama na ang kaisipan. Sa katunayan, ang kakulangan sa tulog ay nauugnay sa negatibong epekto sa physical health, mental health at mood.
Gawing pare-pareho ang oras ng pagtulog araw-araw at iwasan ang paggamit ng mga gadget na may blue light tulad ng mga telepono, tablet, laptop, o desktop bago matulog.
- Kumain nang tama: Ang mga pagkaing mayaman sa vitamins at minerals, at antioxidants ay maaaring makatulong sa pag-aalaga ng iyong utak at proteksyunan ito mula sa cell-damaging oxidative stress. Bukod dito, ang malusog na pagkain ay maaaring makatulong sa iyo na mas maging alerto, makapag-isip nang mas malinaw, at mapabuti ang iyong concentration at attention span..
Kumain ng prutas at gulay (lalo na ang mga berdeng gulay), mga nuts, seeds , at legumes. Subukan ring magdagdag ng mga good fats sa iyong diet, tulad ng salmon, olive oil, niyog, at avocado. Huwag kalimutan uminom ng maraming tubig at iwasan ang mga caffeinated na inumin tulad ng kape o soft drinks.
- Maging mabuti sa sarili: Bagamat mas madaling sabihin kaysa gawin, ang pagiging mabuti sa sarili ay makakatulong sa iyo na mapaganda ang tingin mo sa iyong sarili at pati na rin ng ibang tao. Iwasan ang sobrang paninisi sa iyong sarili..
- Maging mapagpasalamat: Ito ay madalas isinama sa iba't-ibang mga tips para sa self-care ng mental health, at may magandang dahilan para rito. Maaring makatulong ito sa pag-alala sa mga magagandang bagay sa iyong buhay na nagmula sa iba. Ayon sa pag-aaral, ang gratitude ay nauugnay sa kaligayahan at iba pang positibong emosyon.
Tingnan mo ang guide na ito upang matulungan kang magsimula na maging mas mapagpasalamat.
- Magkaroon ng komunikasyon at manatiling konektado: Mapa-kaibigan o pamilya man, mahalaga na may makakausap ka at mapagkakatiwalaan dahil maaari silang magbibigay sayo ng emosyonal na suporta at tulong.
Ang pag-aalaga sa sarili ay hindi pagiging makasarili. At bahagi nito ay ang pagkilala kung kailan mo kailangan humingi ng tulong. Kung nararamdaman mo ang labis na stress, sobrang nerbyos, o nahihirapan intindihin o harapin ang iyong kasalukuyang sitwasyon, makipag-usap sa isang mental health professional. Ang tulong na iyong makukuha ay makakatulong sa iyo na mas maintindihan ang sarili at makapag-handang kilalanin at harapin ang iyong mga emosyon sa mas malusog na paraan. Huwag mag-atubiling makipag-usap sa isang mental health professional tungkol dito.
Panghuli, tandaan na ang mga self care tips na ito ay ilan lamang sa maraming paraan kung paano maaaring mapabuti ang mental health . Marami pang estratehiya para sa self-care na maaari mong gawin na hindi kasama sa listahan na ito.
Pinaglilinaw ng mga eksperto na "iba’t-iba ang self-care para sa bawat isa." Bagamat maaaring matagalan ka sa paghanap ng tamang klase ng self-care para sa iyo, maaari naman itong magdulot ng magandang resulta sa bandang huli.
References:
https://www.amsn.org/publications/amsn-blog/love-yourself-first
https://www.nimh.nih.gov/health/topics/caring-for-your-mental-health
https://www.verywellmind.com/self-care-strategies-overall-stress-reduction-3144729
https://uhs.umich.edu/tenthings
https://www.wth.org/blog/why-self-care-is-an-essential-for-your-mental-health/
https://www.everydayhealth.com/self-care/
https://jcsm.aasm.org/doi/10.5664/jcsm.9476
https://www.sutterhealth.org/health/nutrition/eating-well-for-mental-health
https://www.health.harvard.edu/blog/nutritional-psychiatry-your-brain-on-food-201511168626