Para sa maraming tao, ang pagkuha ng blood pressure levels ay prioridad bilang bahagi ng mga medical check-ups o appointment sa doktor. Maaari kasi itong indikasyon ng kasulukuyang lagay ng kalusugan.
Ayon nga sa termino, ang ibig sabihin ng blood pressure ay ang pwersa ng daloy ng dugo sa arterial walls. Ang arteries ay responsable sa pagpapadaloy ng dugo mula sa puso papunta sa iba’t ibang bahagi ng katawan. Mahalagang maging handa laban sa hypertension. Alamin kung ano ang maaaring maging sanhi nito at kung ano ang mga maaaring gawin upang maagapan ito.
Ano Ang Hypertension?
Ang hypertension ay nahahati sa dalawang kategorya:
- Primary: Ito ay tinatawag ding idiopathic o essential hypertension. Hindi ito sanhi ng partikular na health condition. Unti-unti itong nade-develop sa paglipas ng panahon.
- Secondary: Kapag tumaas ang blood pressure dahil sa isang medical condition, nangangahulugan ito na mayroon kang secondary hypertension. Ang mga taong may obstructive sleep apnea, problema sa kidney o thyroid, tumor sa adrenal gland, o congenital defects sa blood vessels ay maaaring maapektuhan nito.
Maraming kilalang sanhi ang maaaring magdulot ng hypertension, tulad ng:
- Edad: Ang mga matatanda ay mas mataas na risk sa hypertension. Ito’y dahil sa nababawasan ang pagka “elastic” ng kanilang mga blood vessels habang ume-edad na maaaring makadagdag sa pagtaas ng blood pressure.
- Family history at genetics: May mga genes na pwedeng maka-impluwensiya sa panganib ng hypertension ng isang tao. Isa itong dahilan kung bakit nagkakaroon ng hypertension ang isang pamilya.
- Pagiging overweight at obese: Kailangan ng katawan ng mas maraming dugo para mag supply ng oxygen at sustansya sa mga tissues kapag ikaw ay overweight. Dahil dito, gumagawa ng mas maraming dugo ang iyong katawan, na maaaring magpataas ng blood pressure sa arterial walls.
- Sedentary lifestyle: Kung hindi ka regular na nag-eehersisyo, mas mataas ang posibilidad na sobra ang timbang mo. Dahilan ito para gumawa ang puso ng mas maraming dugo na dumadaan sa mga arteries. Maaaring itong magpataas ng blood pressure. Dagdag pa diyan, ang mataas na heart rate (o tinatawag na pulso) ay karaniwan na sa mga taong may sedentary lifestyle. Ibig sabihin, nagdadagdag ito ng extra effort para sa puso tuwing ito ay magko-contract; bagay na nagpapataas ng blood pressure sa arterial walls.
- Paninigarilyo: Ang pansamantalang pagtaas ng blood pressure ay maaaring mangyari kapag naninigarilyo. Gayunpaman, ang labis na paninigarilyo ay maaaring makasira sa lining ng iyong mga arteries na pwedeng mag-resulta sa pagkitid ng passageways at mas mataas na panganib ng sakit sa puso.
- Diet na high-sodium (mataas sa asin) at / o low-potassium: Ang labis na pagkain ng maaalat na pagkain ay maaaring maging sanhi ng water retention, malakas na daloy sa blood vessels, at hypertension.
Sa isang banda naman, ang hindi pagkain ng mga pagkaing mayaman sa potassium ay maaaring mauwi sa sodium build-up sa dugo. Ang potassium ay tumutulong sa pagbabalanse ng sodium sa iyong mga cells.
Agad na Tugunan ang Posibleng Hypertension
Siguraduhin na ang blood pressure ay nasa normal level na 120/80 mmHgAng blood pressure readings ay may dalawang parte: systolic blood pressure at diastolic blood pressure. Ang systolic pressure ay ang pressure sa arteries kapag tumibok ang iyong puso. Ang diastolic pressure naman ay tumutukoy sa pressure sa mga arteries kapag ito’y nagpapahinga.
Ilan sa mga subok nang paraan para mabawasan ang panganib ng hypertension ay ang sumusunod:
- Magkaroon ng balanced diet na binubuo ng pagkaing mayaman sa sustansya tulad ng mga prutas at gulay.
- Mag-ehersisyo. Kung may iniindang sakit, kumunsulta sa doktor para matukoy ang nararapat na ehersisyo para sa kasulukuyang kondisyon.
- Magkaroon ng sapat at tamang tulog.
- Iwasan ang paninigarilyo at labis na pag-inom ng alak.
Maaari ka ring makipag-usap sa iyong doktor o isang cardiologist kung mayroon kang iba pang tanong tungkol sa hypertension.
Kung may mga concerns sa iyong kalusugan, maaaring kang bigyan ng mga gamot tulad ng Atenolol, Bisoprolol, o Clonidine. Ang mga gamot na ito na dapat inumin lamang ayon sa payo ng doktor, ay maaaring makatulong sa pagtugon sa hypertension at mapabuti ang iyong kondisyon.
References:
https://psa.gov.ph/vital-statistics/table
https://www.mayoclinic.org/diseases-conditions/high-blood-pressure/symptoms-causes/syc-20373410
https://www.mayoclinic.org/diseases-conditions/secondary-hypertension/symptoms-causes/syc-20350679
https://www.cdc.gov/bloodpressure/about.htm
https://www.cdc.gov/bloodpressure/prevent.htm
https://www.nhs.uk/conditions/high-blood-pressure-hypertension/causes/
https://www.nature.com/articles/s41588-018-0205-x
https://www.sciencedaily.com/releases/2018/10/181009102442.htm