Ayon sa World Health Organization (WHO), mahigit kumulang na 422 milyong tao sa buong mundo ay na-diagnose ng type 1 o 2 diabetes, at 1.5 milyon na pagkamatay ang naitatala kada taon dahil dito.
Dahil maraming tao ang naapektuhan ng diabetes, hindi nakakagulat na isa itong kilalang paksa ng mga pananaliksik. Pero sa kabila ng lahat ng impormasyon tungkol sa sakit na ito, may mga “myths” o kathang-isip na pinapaniwalaan pa rin tungkol dito.
Walang mas mainam na panahon upang ma-debunk ang mga myth na ito kundi ngayon - tingnan ang ilan sa mga karaniwang misconceptions na nauugnay sa sakit na ito.
Myth #1: Ang asukal ay nagdudulot ng diabetes.
Bagamat totoo na ang labis na pagkonsumo ng asukal ay maaaring maging sanhi ng pagiging overweight o obesity, at pataasin ang panganib para sa diabetes, ang asukal ay hindi dapat ang tanging sisihin para sa sakit na ito. May mga ibang sanhi kung bakit nagkakaroon ng diabetes ang isang tao, depende sa uri nito:
- Type 1 diabetes: Isang autoimmune reaction kung saan ang iyong immune system o resistensya ay inaatake ang mga cells sa pancreas na responsable sa paggawa ng hormone na tinatawag na insulin. Bukod dito, ang genetics at ibang environmental factors ay may papel sa pag-usbong ng Type 1 diabetes.
- Type 2 diabetes: Insulin resistance dahil sa pagiging overweight, obese, pagkakaroon ng sedentary na lifestyle, o pati na rin genetics.
Myth #2: Dapat ay tuluyan nang alisin ang asukal sa iyong diet kung ikaw ay may diabetes.
Iniisip ng karamihan ng mga tao na dapat nilang alisin ang asukal mula sa diet kapag ika’y may diabetes dahil sa paniniwalang nakakapagpalala ito ng kondisyon.
Pero, mahirap itong gawin dahil may mga pagkain na may mga natural na sugar. May mga konsiderasyon rin na dapat unawain tungkol sa uri at dami ng pagkain na iyong kakainin.
Para matugunan ang sitwasyong ito, suriin ang Glycemic Index (GI) ng mga pagkain. Ito ay tumutukoy sa bilis ng mga pagkain na ilabas o i-release ang glucose sa katawan at makaapekto sa blood sugar levels. Ang bawat pagkain ay binibigyan ng posibleng halaga mula sa 100 (na siyang pinakamataas na halaga).
Kapag mas mababa ang GI value, mas mabagal ang paglabas ng glucose sa katawan. Dahil dito, ang mga pagkaing may mababang GI values ay hindi nauugnay sa matinding pagtaas ng blood sugar levels.
Halimbawa ng mga pagkain na low-GI ay broccoli, kamatis, talong, lettuce, mansanas, pears, chickpeas, beans, legumes, kasuy, mani, plain na yogurt, at whole o full-fat na gatas.
Myth #3: Ang diabetes ay sakit na karaniwan lamang sa mga adults.
Kadalasan, ang mga pasyente ng diabetes ay inilalarawan bilang mga middle-aged adults o mas matanda. Pero alam mo ba na ang mga bata ay maaaring ma-diagnose rin ng diabetes?
Sa katunayan, isiniwalat ng International Diabetes Foundation (IDF) na ang Type 1 diabetes ay nakakaapekto sa 1.1 milyong mga bata at adolescent (wala pang 20 taong gulang) sa buong mundo. Para naman sa Type 2 diabetes, nadiskubre ng mga mananaliksik na may 41,600 na bagong kaso ng mga ito sa mga bata at adolescents sa buong mundo.
Myth #4: Maaari kang gumaling mula sa diabetes.
Sa kasulukyan, walang gamot o cure para sa diabetes. Dahil dito, hinihikayat ang mga pasyente na baguhin ang ilang aspeto ng kanilang mga pamumuhay. Sa ganitong paraan, maaari nilang makamit o mapanatili ang nararapat na blood sugar levels (ayon sa kanilang health status) at puwedeng iwasan ang mga komplikasyong konektado sa diabetes.
Isang paraan para malaman kung kontrolado ang iyong blood sugar levels o hindi ay ang pagsasailalim sa hemoglobin A1c o HbA1c test. Sinusuri nito ang iyong average blood sugar levels sa nakalipas na tatlong buwan.
Inirerekomenda ng Centers for Disease Control and Prevention (CDC) na sumailalim ang mga taong may diabetes sa pagsusuring ito dalawang beses kada taon. Pero kapag may pagbabago sa kasalukuyang gamot o dumaranas ng iba pang health issues, hinihikayat nila na gawin ang pagsusuring ito ng mas madalas.
Myth #5: Nakareserba ang insulin para sa mga pasyenteng nasa “advanced stage” ng diabetes.
Inirerekomenda ang insulin therapy para sa mga taong may type 1 diabetes dahil hirap ang katawan nilang gumawa ng hormone na ito. Ang uri ng insulin na gagamitin sa paggamot ay nakadepende sa mga factors tulad ng physical activity level ng pasyente, edad, lifestyle, at iba pang kadahilanan. Dapat simulan ang uri ng paggamot na ito pagkatapos ng masinsinang pagsusuri at rekomendasyon ng isang health professional.
Ang mga taong may type 2 diabetes naman ay pwede ring sumailalim sa insulin therapy, kasabay ng iba pang gamot na inirekomenda na kanilang doktor, pati na rin ng mga pagbabago sa lifestyle tulad ng masustansyang diet at/o pag-eehersisyo.
Myth #6: Makakapinsala sa kalusugan ang Metformin.
May mga pag-aalinlangan tungkol sa gamot na ito, at may mga taong naniniwala na nagdudulot ito ng problema sa kalusugan. Pero ayon sa ebidensya, ang metformin ay nananatiling isang gamot pang-diabetes na mura, epektibo at ligtas. Maaari nga rin itong magbigay ng mga cardiovascular benefits para sa mga taong may diabetes, ayon sa Standards of Medical Care in 2022 ng American Diabetes Association.
Bukod dito, isinasaad ng Philippine College of Endocrinology, Diabetes and Metabolism, Inc. na ang mga pasyenteng may Type 2 diabetes, non-alcoholic fatty liver disease, o colon cancer ay maaaring makinabang mula sa paggamit ng metformin. Pero, ang paggamit ng gamot na ito ay maging kontraindikado para sa mga kaso ng advanced na sakit sa atay tulad ng cirrhosis o malaking pinsala sa bato.
Pero ibig sabihin ba nito ay pwede ka nang uminom ng gamot para sa diabetes ngayon din? Hindi. Una, kailangan mong tanungin ang iyong doktor kung kailangan mo ba talagang uminom ng gamot base sa kondisyon mo.
Pangalawa at mas importante, tandaan na ang pagtugon sa diabetes ay dapat gawin sa isang indibidwal na antas. Kahit gumana ang isang uri ng paggamot sa isang tao, hindi ibig sabihin na gagana ito kaagad para sa iyo. Iba-iba ang pagtugon ng mga katawan sa mga panggamot o istratehiya para sa diabetes.
Palaging kausapin ang iyong doktor kung may karagdagang tanong o concern tungkol sa diabetes. Palagi rin sundin ang mga payo tungkol sa nararapat na dosage at oras ng pag-inom ng gamot.
References:
https://www.who.int/health-topics/diabetes
https://www.ahajournals.org/doi/10.1161/JAHA.118.011640
https://www.aarp.org/health/conditions-treatments/info-2022/metformin-recall-cancer-risk.html
https://www.niddk.nih.gov/health-information/diabetes/overview/symptoms-causes#causes
https://pubmed.ncbi.nlm.nih.gov/35189261/
https://www.cdc.gov/diabetes/basics/what-is-type-1-diabetes.html
https://www.cdc.gov/diabetes/managing/managing-blood-sugar/a1c.html
https://www.cdc.gov/diabetes/managing/manage-blood-sugar.html
https://www.medicalnewstoday.com/articles/medical-myths-all-about-diabetes
https://www.medicalnewstoday.com/articles/317718
https://www.healthline.com/nutrition/foods-to-avoid-with-diabetes
https://www.healthline.com/health/type-2-diabetes/insuli
https://www.idf.org/61-about/550-diabetes-in-children-and-adolescents.html
https://www.mayoclinic.org/diseases-conditions/diabetes/diagnosis-treatment/drc-20371451
https://www.mayoclinic.org/diseases-conditions/type-2-diabetes/diagnosis-treatment/drc-20351199
https://www.verywellhealth.com/how-much-sugar-can-a-person-with-diabetes-have-2506616
https://www.verywellhealth.com/glycemic-index-vs-load-5214363