Para sa karamihan ng mga kababaihang may active lifestyle, malaking challenge ang pagkakaroon ng monthly period. Ito ay dahil sa maraming bagay ang pwedeng maka-hadlang sa regular nilang pag-eehersisyo tulad ng: menstrual cramps o pananakit ng katawan at puson, pabago-bagong mood, pamahiin, o lahat ng nabanggit.
Ang good news: ang pag-eehersisyo habang may monthly period ay mas nakabubuti at hindi nakasasama sa katawan. Sa katunayan, ang pag-eehersisyo ay mas nakakatulong pa nga sa sa pag-manage ng iyong menstruation. Ayon sa mga eksperto, ang mga benepisyo ng pagiging aktibo at pag-eehersisyo habang may monthly period ay ang mga sumusunod:
- Tumutulong maibsan ang mga sintomas ng PMS at dysmenorrhea
- Pinabubuti ang mood dahil sa endorphins o happy hormones na bunga ng pag-eehersisyo na siya ring tumutulong para maibsan ang stress at sakit
- Pinatataas ang iyong energy levels
Tandaan ang 6 Tips Na Ito Tuwing Mag-eehersisyo Habang May Period
Tingnan ang mga sumusunod na tips para masulit ang benepisyo ng pag-eehersisyo:
- Piliing mabuti ang gagawing ehersisyo. Hindi komportable ang pagkakaroon ng monthly period, lalo na kung maraming dugo ang nailalabas ng katawan. Gawin lamang ang magagaang na ehersisyo at iwasan ang mabibigat na workouts. Sa ganon, natutulungan mong mabawasan ang tensyon ng katawan, mapaigi ang sirkulasyon ng dugo, at mapabuti ang pakiramdam. Maaaring subukan ang tai chi, yoga, paglalakad, light cardio o aerobic exercises, at magagaang lang na strength training.
- Uminom ng tubig. May period man o wala, mahalagang uminom ng maraming tubig kapag nag-eehersisyo para maiwasan ang dehydration at constipation.
- Magsuot ng komportableng damit at nararapat na heavy flow products. Ang karagdagang physical activities ay maaaring makapagpabilis ng pagdaloy ng dugo mula sa uterus. Ito ang dahilan kung bakit ang ilang mga kababaihan ay nakakaramdam ng malakas na daloy ng dugo kapag sila ay nag-eehersisyo. Kaya gumamit ng sanitary napkins, tampons o menstrual cups na angkop para sa heavy flow days. Magsuot din ng dark-colored na damit pambaba o leggings sakaling magkaroon ng tagos, at maghanda ng extrang damit at underwear.
- Iwasan ang labis na pag-eehersisyo at pagbabawas ng calorie intake. Kapag nangyari ito, mas kaunti ang enerhiyang maaring magamit ng katawan na kinakailangan para sa pag-distribute ng limitadong resources sa iba’t ibang bahagi ng katawan na nangangailangan nito. Mahihirapan ang katawan mong bumawi sa stress na dulot nito. Maari din itong magdala sa iyo ng panganib ng amenorrhea o pagtigil ng menstrual cycle.
- Kapag di sigurado, magpahinga. Kung masama ang pakiramdam o nananamlay, huwag munang mag-ehersisyo. Kapag ipinilit, maaaring mas makaramdam ng pagod at lumala ang cramps at soreness na nararamdaman kapag may monthly period.
- Sa oras na makaramdam ng sakit, aksyunan ito agad. Kung nakakapag-ehersisyo pa ngunit nakakaramdam ng sakit ng katawan, magtanong sa doktor tungkol sa mga over-the-counter na gamot tulad ng Mefenamic Acid o Paracetamol.
Ang mga gamot na ito ay maaaring makatulong sa pag-target ng cramps at pananakit ng katawan na may kinalaman sa monthly period kaya maaari ka pa ring makapag-ehersisyo ng walang pag-aalinlangan. Pagkatapos uminom ng gamot, maaari ring maglagay ng ice pack o warm compress sa apektadong lugar.
Kung may pag-aalinlangan pa rin sa pag-eehersisyo habang may period, humingi muna ng payo sa iyong doctor o OB-GYN. Tutulong sila para alamin kung may contraindications ba sa iyong pag-eehersisyo habang may monthly period at sisiguraduhing nasa tamang kondisyon ang iyong katawan para mag-ehersisyo. Ito ay mahalaga lalo na kung nakakaranas ka ng matinding sakit o discomfort tuwing magkakaroon ng menstruation.
References:
https://www.healthline.com/health/exercise-during-period#benefits
https://www.health.harvard.edu/mind-and-mood/endorphins-the-brains-natural-pain-reliever
https://greatist.com/health/exercise-during-period#exercises-to-avoid
https://www.medicalnewstoday.com/articles/326364
https://www.womenshealth.gov/getting-active/physical-activity-menstrual-cycle
https://health.clevelandclinic.org/is-it-normal-to-lose-your-period-because-of-exercise/
https://www.verywellhealth.com/exercise-effects-on-menstruation-4104136