Habang lumalaki ang mga bata, mas nagkakaroon na sila ng mga opinyon tungkol sa mga pagkaing gusto at ayaw nila. Maari silang maging maselan sa pagkain na nagiging hamon upang mabigyan ng tamang nutrisyon na kailangan nila para sa paglaki.
Kung ikaw ay nahihirapan dahil sa mga batang maselan sa pagkain, narito ang ilang mga diskarte na makakatulong sa iyo pagdating sa kanila, para mabigyan sila ng nararapat na nutrisyon.
- Alamin ang mga hangganan ng iyong anak.
Walang sinuman, matanda o bata, ang gustong kumain ng isang bagay na ayaw nila, lalo na kung sapilitan. Kung ang iyong mga anak ay hindi gusto ang pagkain o hindi nagugutom, huwag silang piliting kumain.
Kapag pinilit mo ang bata, maaaring maging frustrating ito para sa kanila at magdulot ng anxiety pagdating sa oras ng pagkain. Ang pagpilit sa kanila na kumain kahit hindi sila gutom ay maaari ring magturo sa kanila na balewalain ang hunger-satiety levels ng kanilang katawan na posibleng humantong sa mga eating issues pagtanda nila. - Bigyang-pansin ang dami ng pagkain.
Ang paghain ng maraming pagkain ay maaaring maging nakakalula para sa mga bata, lalo na kung hindi sila masyadong pamilyar sa kung ano ang nasa kanilang plato. Subukan silang akitin sa pamamagitan ng mas maliit na portions, at mag-alok lamang sa kanila ng dagdag na serving kapag naubos nila ito. Dahil dito, pwedeng mabawasan ang tinatapong pagkain dahil mas kaunti ang hinahain. - Maging matiyaga at hayaan ang iyong anak na subukan ang pagkaing binigay sa kanila.
Mas nararapat ito sa mga batang hindi gaanong pamilyar sa pagkain. Hayaan ang anak na hawakan, amuyin, dilaan, o tikman ang pagkain na nasa harap niya. Para sa ilang mga bata, kailangan muna nila ng paulit-ulit na exposure sa partikular na pagkain bago sila mahikayat na subukan ang mga ito. Kaya maging matiyaga - bahagi ito ng proseso. - Magtatag ng iisang oras ng pagkain.
Ang pagbibigay sa iyong anak ng mga pagkain o meryenda sa parehong oras bawat araw ay maaaring magturo sa kanila na may oras para kumain at dapat hintayin ang ihahain para sa kanila. - Ipares ang pagkain sa kanilang mga paboritong "add-on" tulad ng sawsawan.
Kung alam mo ang mga paboritong pagkain ng iyong anak, subukang ihain ito palagi kasabay ng masustansyang pagkain. Halimbawa, maghain ng kaunting pampalasa tulad ng cheese sauce, ketchup, mayo, o salad dressing kasama ng gulay na hindi nila gusto, gaya ng broccoli.
Hikayatin ang iyong anak na kainin ang mga pagkaing inihain hanggang ang malusog na option ay kanyang piliin. - Maging malikhain.
Para mas maging ganado ang mga batang pihikan sa pagkain, huwag maging limitado sa nakasanayan. Subukang gumamit ng mga cookie cutter na may iba't ibang hugis sa paghiwa ng mga sandwich, prutas, o gulay, o maghanda ng mga pagkaing may matingkad na kulay para kainin ng iyong anak. Makakakuha ka ng inspirasyon mula sa napakaraming online content creator pagdating sa paggawa ng mas katakam-takam na pagkain para sa iyong anak. - Kumain ng masustansyang pagkain kasama ng iyong anak.
Ginagaya ng mga bata ang ginagawa ng mga matatanda sa kanilang buhay. Kung kasabay mo silang kumakain, siguraduhing na ang iyong plato ay puno ng maraming pagkaing mayaman sa sustansya. Kapag nakita nilang nasasarapan ka sa iyong pagkain, maeengganyo silang kumain nito. - Bawasan ang mga distractions.
Iwasang magdala ng mga gadget tulad ng mga tablet at smartphone sa mesa, at patayin ang telebisyon. Makakatulong ito sa iyong anak na bigyang pansin ang pagkain sa harap nila. - Isali ang iyong anak sa paghahanda o pagluluto.
Kung ang iyong anak ay nagpakita ng interes na tulungan ka sa kusina, hayaan mo sila. Pero bantayan mo sila nang maayos para maiwasan ang mga sugat o injuries. Maaari mo silang hayaang maghalo ng mga sangkap o kahit na maghiwa ng pagkain nang maingat.
Kapag sinasama sila sa mga aktibidad na tulad nito, maaaring tumaas ang kanilang interes at gana pagdating sa pagkain, at sa kalaunan ay abangan nila ang oras para rito. - Tandaan ang kanilang multivitamins!
Bukod sa pagbibigay sa iyong anak ng balanse at masustansyang diet at paghikayat ng maraming ehersisyo, ‘wag ring kalimutan ang multivitamins! Tanungin ang iyong pediatrician tungkol sa mga formula na nagbibigay ng mga bitamina at mineral na tutulong sa pagpapalaki ng katawan, pagprotekta laban sa sakit, at pagpapalakas ng gana para ma-enganyo silang kumain ng masustansyang pagkain.
Gayunpaman, kung magpapatuloy ang pagiging maselan sa pagkain ng iyong anak at nag-aalala ka tungkol sa sustansya na maaari nilang matanggap o hindi, kumunsulta agad sa isang pediatrician. Ang mga tulad nila ay maaaring makatulong sa pagtukoy ng mga posibleng problema pagdating sa kalusugan ng iyong anak at magbigay ng payo kung paano maaagapan ang mga ito bago mahuli ang lahat.
References:
https://www.mayoclinic.org/healthy-lifestyle/childrens-health/in-depth/childrens-health/art-20044948
https://www.parents.com/recipes/nutrition/picky-eater-strategies/
https://kidshealth.org/en/parents/picky-eater.html
https://www.verywellfamily.com/tips-for-dealing-with-a-fussy-eater-4065124