Walang duda na lubos na nabago ng pandemya kung paano tinitingnan ng marami sa atin ang lagnat at iba pang sintomas ng trangkaso. Bago nagkaroon ng pandemic, iniisip ng karamihan na ang mga sintomas na ito ay bunga lang ng kakulangan sa sapat na pahinga, sobrang pagkilos, at/o iba pang factors sa paligid.
Ngunit dahil sa COVID-19, marami na ang maagap na naghahanda para sa mga posibleng malalang mangyari. Ito'y dahil ang ilang sintomas ng trangkaso ay maaaring senyales ng COVID-19, na nagdudulot ng takot at pag-aalala dahil kailangan mong ma-isolate.
Basahin ang maikling artikulong ito upang malaman kung ito ba talaga ay COVID-19 o simpleng trangkaso lamang. At maaari mo ring matutunan kung paano masosolusyunan ang anumang sintomas na iyong nararanasan, maging positibo o negatibo man ang resulta ng test mo.
Paano Nagkakatulad ang Trangkaso at COVID-19?
Mayroong parehong mga sintomas ang COVID-19 at trangkaso. Ayon sa U.S. Centers for Disease Control and Prevention (CDC), maaaring magdulot ng lagnat, chills, ubo, breathing difficulties, fatigue, sore throat, muscle pain, sipon o baradong ilong, sakit ng ulo, pagsusuka, at/o pagtatae ang parehong COVID-19 at trangkaso.
Subalit hindi pareho ang incubation period ng COVID-19 at trangkaso. Ang incubation period ang tumutukoy sa dami ng oras bago magpakita ang sintomas matapos mahawa. Kung mayroong COVID-19, maaaring lumabas ang sintomas mula 2 hanggang 14 na araw matapos ang pagkahawa. Sa kabilang banda, kung mayroong trangkaso, maaari itong magpakita isa hanggang apat na araw pagkatapos ng pagkahawa.
May Paraan Ba Upang Malaman Kung ang Iyong Sintomas Ay Dulot ng COVID-19 o Trangkaso?
Sa kasamaang palad, wala pang paraan para malaman agad kung ito ay trangkaso o COVID-19. Kung ikaw o ang iyong kilala ay nag-aalala na ang lagnat at/o sintomas ng trangkaso ay senyales ng COVID-19, mas mabuting magsimula agad na mag-isolate sa bahay upang hindi ito kumalat sa iyong tahanan o sa iyong workplace. Tumawag sa iyong doktor tungkol sa test upang tiyakin kung ikaw ay may COVID-19 infection. Sa panahon ng home isolation, tiyaking nasa sariling silid ka na may sapat na air ventilation at may kalapit na banyo. Sa panahong ito, bantayan rin ang mga sintomas.
Ipinapayo ng Kagawaran ng Kalusugan (DOH) na agad magpa-RT-PCR para sa COVID-19 kapag nakakita ng mga sintomas matapos mong magkaroon ng exposure sa isang confirmed o probable case ng COVID. Kung hindi ka sigurado kung ikaw ay na-expose sa isang taong may COVID-19 ngunit may sintomas kang nararamdaman, mag-isolate agad at magpa-PCR o rapid antigen test ayon sa payo ng iyong doktor.
Ano Ang Susunod na Hakbang?
Kung ikaw ay nag-positibo sa COVID-19, ituloy ang iyong isolation at sundin ang mga gabay para sa pag-discharge at re-integration na itinakda ng DOH. Ang bilang ng mga araw na kailangan mong manatili sa isolation ay nakasalalay sa iyong vaccination status at sa kalubhaan ng iyong COVID-19 infection. Abisuhan rin ang iyong mga katrabaho o paaralan ukol sa iyong kasalukuyang kalagayan. Subukan na magkaroon ng sapat na pahinga at tulog, uminom ng maraming tubig, at kumain ng pagkaing mayaman sa bitamina at mineral tulad ng prutas at gulay. Maari ka ring magpa-araw kung maaari.
Sa sitwasyon na ito, inirerekomenda rin na mag-book ka ng teleconsultation sa isang doktor upang ma-monitor ang iyong mga sintomas at mapayuhan tungkol sa tamang gamot na kakailanganin mo. Kung ang iyong mga sintomas ay lumala, lalo na kung nahihirapan kang huminga, humanap kaagad ng emergency medical attention.
Sa kabilang banda, kung ikaw ay nag-negatibo ngunit may lagnat at/o iba pang sintomas ng trangkaso, solusyunan ang mga ito agad upang hindi lumala.
Tanungin ang iyong doktor kung pwede kang mag-take ng RiteMed Paramax™ (Ibuprofen + Paracetamol) o Paracetamol United Home® Fevertab. Maaring makatulong ang mga gamot na ito sa pagbaba ng lagnat at pag-alis ng sakit ng ulo at iba pang mga sintomas. Huwag kalimutan uminom ng tubig at siguraduhin nakaka-pahinga ka nang maayos.
Kung patuloy pa rin ang mga sintomas kahit na uminom ka ng anumang klase ng gamot, kumunsulta kaagad sa iyong doktor.
References:
https://www.cdc.gov/flu/symptoms/flu-vs-covid19.htm
https://dph.illinois.gov/covid19/community-guidance/concerned-not-exposed.html