Kung ikaw o isang kasama mo sa bahay ay nag-positibo na sa Covid-19, ngunit wala o may mild na sintomas lang at hindi high risk, maaari munang manatili sa bahay para sa home treatment. Narito ang isang quick guide sa home remedy para sa mga taong nag-positibo sa Covid-19.
Ipa-test ang lahat sa bahay upang matukoy kung gaano kalubha ang sitwasyon.
Kapag may nagpositibo sa COVID-19 sa bahay, dapat ituring na close contact ang sinumang taong nakausap nila. Kinakailangan silang magpa-test para sa Covid-19. Mayroong mga pagsusuri tulad ng RT-PCR o antigen test na magagamit, ngunit kumunsulta pa rin sa iyong mga doktor at health care professionals. Sila ay maaaring magbigay ng gabay sa pinakaangkop na test na kailangan ng iyong mga kasama sa bahay.
Kung mayroong higit sa isang positibong kaso sa iyong tahanan, magplano ng mga protocols ng paghihiwalay o pag-iisolate, mag-iskedyul ng oras ng pagkain at subaybayan ang mga sintomas ng mga apektadong tao.
Subaybayan ang temperatura ng katawan at antas ng oxygen.
Maghanda ng digital thermometer at pulse oximeter. Basahin nang mabuti ang mga instructions sa paggamit ng mga bagay na ito. Mahalaga ring subaybayan ang temperatura ng katawan dahil karaniwang sintomas ng COVID-19 ang lagnat, at isa itong senyales na nilalabanan ng iyong immune system ang virus.
Mahalaga ring obserbahan ang oxygen levels ng katawan gamit ang pulse oximeter. Maaari kasing makaapekto ang COVID-19 sa mga baga. Ang mga COVID-19 patients na may mababang oxygen level ay maaaring mahirapan sa paghinga o makaramdam ng labis na pagod kahit sa maliliit na aktibidad o kahit na nagpapahinga lamang. Maaari rin silang magkaroon ng cyanosis (nagiging asul ang kulay ng balat at mga bahagi ng katawan) dahil sa mababang antas ng oxygen sa dugo.
Hikayatin sila na i-record ang lahat ng mga resulta. Maaari mo ring hilingin sa kanila na patuloy kang i-update sa kanilang mga sintomas. Panghuli, paalalahanan sila na i-disinfect ang mga kagamitan tuwing pagkatapos gamitin ang mga ito.
Tawagan kaagad ang nag-aalaga sa pasyente kung nakikita mo ang alinman sa mga senyales na ito:
- Hirap sa paghinga
- Pagsakit ng dibdib
- Pagkalito
- O lumalalang sintomas
Hangga't maaari, iwasan ang harapang pakikipag-ugnayan sa taong may sakit.
Sa halip, makipag-usap sa kanila sa pamamagitan ng pag-text, tawag, o mensahe gamit ang phone. Kung kailangang mag-abot ng isang bagay, ipatong na lang ito sa mesa o upuan sa labas ng kanilang silid. Ito ay magsisilbing "spot" para sa pagkain, mga mahahalagang bagay tulad ng mask, tissue, sanitation/disinfecting products, at mga gamot.
Protektahan ang kalusugan habang nag-aalaga ng taong Covid-19 positive.
Ang Covid-19 ay madaling naililipat kapag ang isang nahawaang tao ay malapit o direktang may contact sa isa pang tao. Kung maaari, isa lamang ang tagapag-alaga at dapat ay nasa malusog siyang kondisyon. Para sa nag-aalaga, ang pagbabakuna ay maaaring pandagdag proteksyon laban sa Covid-19. Ugaliin ring maghugas ng kamay bago at pagkatapos ng anumang pakikipag-ugnayan sa isang taong may sakit. Parehong ang nag-aalaga at ang may sakit ay dapat magsuot ng maayos na medical mask sa tuwing sila ay magkausap. Siguraduhin na ang silid/lugar ng paghihiwalay ay maaliwalas - buksan ang mga bintana para sa sariwang hangin. Manatili nang hindi bababa sa 1 metro ang layo mula sa taong may sakit.
Kumain ng masustansyang pagkain.
Ang pagkain ng isang tao ay may malaking papel sa kanilang pag-galing. Dagdagan ang pagkain ng mga prutas at gulay na naglalaman ng zinc at vitamins A, C, D, at E. Maaaring makatulong ang mga nutrients na ito na mapawi ang mga sintomas ng COVID -19. Kasabay nito, uminom ng maraming tubig para mapanatiling hydrated ang katawan.
Ihiwalay batay sa mga alituntunin sa quarantine.
Alinsunod sa mga alituntunin ng Department of Health (DOH) ng Pilipinas, dapat na ihiwalay ang isang taong may COVID-19. Kailangan nila ng hiwalay na kwarto at banyo na sila lang ang gagamit habang naka-quarantine. Higit pa rito, dapat mayroon din silang sariling set ng kagamitan, plato, tabo, at baso. Ang mga ito ay dapat ihiwalay sa iba pang mga bagay sa bahay.
Para naman sa tagal ng quarantine, depende ito sa kalubhaan ng mga sintomas at status ng pagbabakuna. Tandaan ang updated protocols na ito mula sa DOH noong Enero 2022.
Panatilihing malinis ang mga bagay.
Ang mga gamit sa bahay na hinawakan at ginamit ng taong may Covid-19 ay dapat linisin at i-disinfect kahit isang beses sa isang araw. Dapat rin itong itapon nang maayos sa basura.
Iulat ang mga kaso sa mga awtoridad ng gobyerno, mga lugar ng trabaho, at/o mga paaralan.
Ireport ang mga positibong kaso sa mga awtoridad sa iyong barangay o local government unit (LGU). Kung paano ang pagrereport sa mga kaso ng COVID-19 ay karaniwang nakadepende sa LGU kung saan ka kasalukuyang naninirahan.
Kung ang pasyente ay papasok sa trabaho o paaralan, ipagbigay-alam din sa mga barangay o iba pang opisyal ng gobyernong malapit sa inyo. Ang matapat na pag-uulat ng mga kaso ng COVID-19 ay maaaring makatulong upang hindi kumalat ang virus. Sa ilang mga kaso, maaari rin silang magbigay sa iyo ng suporta tulad ng pagkain, gamot, at iba pang mahahalagang bagay.
Ang pagkakaroon ng kaso ng COVID-19 sa bahay ay maaaring nakakatakot sa una, ngunit sa patuloy na pagsubaybay at mahigpit na pagsunod sa mga health protocols, madali itong malalampasan. Mahalagang maiwasan ang pagkalat ng impeksyon sa ibang miyembro ng pamilya. Maging alerto at alamin kung kailan hihingi ng tulong mula sa iba.
References:
https://doh.gov.ph/node/33565 https://www.philstar.com/headlines/2022/01/13/2153651/new-doh-guidelines-shorten-quarantine-isolation-fully-vaccinated
https://www.eatingwell.com/article/7775573/what-should-you-eat-if-you-come-down-with-coronavirus/
https://www.mountelizabeth.com.sg/healthplus/article/oximeter https://www.medtecheurope.org/wp-content/uploads/2020/05/2020_MTE_PPE-explanatory-paper_May2020.pdf
https://cleanstreets.westminster.gov.uk/personal-protective-equipment-ppe-waste-disposal/