Kapag sinabing binago ng social media ang paraan natin para makipag-usap, bumili, at makakuha ng impormasyon, isa itong malaking understatement. Binura kasi ng social media ang maraming virtual na borders. Naging paraan ito para mabigyan ng pagkakataon ang mga tao sa iba’t ibang parte ng mundo na makipag-ugnayan sa isa’t isa at tangkilikin ang mga content na nagbibigay-aliw.
Ayon sa research mula 2021, humigit-kumulang 4.4 bilyong tao sa mundo ang gumagamit ng mga social media platforms at nakikipag-ugnayan sa at least 6.6 na social media applications o websites.
Pero, ang madalas na paggamit ng social media ay itinuturing na isang double-edged sword.
Bagamat ang accessibility at kadalian ng connectivity at convenience ay itinuturing na mga “positives” na konektado sa social media, napansin din ng mga eksperto ang mga negatibong epekto nito sa mental health.
Bago ka mag-scroll sa feed, mag-like sa post, o manood ng video, pwede mong tingnan nang mas maigi at pagnilayan kung paano naapektuhan ng social media ang mental health ng mga tao.
Alamin Kung Paano Gumagana ang Social Media
Para maintindihan ang posibleng epekto ng social media sa mental health, alamin kung paano gumagana ang mga platform na ito para sa maraming tao. Ayon sa mga may akda ng isang pag-aaral noong 2022tatlong “tungkulin” ang ginagampanan ng social media para sa mga tao:
- Bilang stressor: Ilan sa mga dahilan kung bakit nakakaranas ng stress ang mga tao dahil sa social media ay:
- Pagtaas ng approval anxiety: Napapansin ito bilang isang ugali kung saan hinuhusgahan ng todo ang self-worth o popularity isang tao, at matinding pagtutok sa pisikal na itsura o personal na tagumpay.
- Fear of missing out or “FOMO”: Tumutukoy ito sa takot na nararamdaman kapag napapansin ng isang tao na ang iba ay mayroong mas masayang kaganapan sa kanilang buhay kumpara sa kanila.
- Maling impormasyon o misinformation: Ang hindi pag-alam sa pagkakaiba sa pagitan ng katotohanan at pekeng balita ay maaaring maging sanhi ng stress para sa ilan.
- Push notifications mula sa mga applications: Galing man ito sa mga apps ng news organizations o tools para sa trabaho, ang mga notifications na ito ay pwedeng magdulot ng stress para sa mga tao.
- Bilang isang sanggunian o resource: Walang duda na ang social media ay nagbibigay ng mga accessible na resource tungkol sa iba't-ibang mga paksa, isyu, at concerns. Higit pa rito, ang social media ay nagbibigay-daan sa pagbuo ng komunidad sa mga virtual na espasyo. Dahil dito, nagkakaroon ang mga user ng dagdag na access para sa mga resources at mapahusay ang kanilang social capital.
Bukod dito, tumutulong ang social media sa pagbibigay ng “safe space sa digital realm” para sa mga taong kadalasang dumadaan sa stigma offline o sa totoong buhay. Dahil sa mga “safe space” na ito, mababawasan ang pakiramdam ng mga taong ito na “outcast” sila at makakatanggap ng karagdagang suporta at patnubay na kailangan at sapat para sa kanila. - Bilang coping mechanism: Ayon sa mga may-akda ng ilang pag-aaral, ginagamit ng tao ang social media bilang isang coping mechanism sa tatlong paraan. Pero, kung epektibo ba o hindi ang paggamit ng social media para sa pagtanggal ng stress ng tao ay iba pang tanong. Ayon sa mga mananaliksik, ginagamit ng tao ang social media bilang isang coping mechanism kapag gusto nilang:
- Makahanap o makakuha ng suporta mula sa platforms na ginagamit nila dahil dumaan sila sa mga stressful na karanasan
- Talakayin o pagbutihin ang mga negatibong emosyon na dulot ng stress sa pamamagitan ng paghanap sa mga “distraction” o paglabas ng mga emosyon
- Mairesolba ang rason kung bakit nila nararanasan ang mga emosyon o sitwasyong nag dudulot ng stress
Paano Naapektuhan ng Social Media ang Mental Health?
Sa kabutihang palad, natuklasan sa isang pag-aaral na nailathala noong 2023 na ang online social support na galing sa social media ay tumulong sa pagtaas ng pagpapahalaga sa sarili ng mga tao at bawasan ang risk para sa mga sintomas ng depression.
Gaya rin ng nabanggit sa pag-aaral mula 2022, may mga taong gumagamit sa mga platforms na ito para makakuha ng positibong impormasyon na makakatulong kung paano mapabuti ang kanilang sarili at kakayahan. Ang ibang mga platform ay nagsisilbi ring “safe spaces” para sa mga taong nais mapakinggan nang walang paghuhusga.
Sa kabilang dako, may mga pag-aaral na sa kasamaang palad ay tumatalakay sa negatibong epekto ng social media pagdating sa mental health. Isang article noong June 2020 ang nagsaad na ang madalas na paggamit ng social media ay maaaring magpataas ng risk para sa mga sintomas na konektado sa depression at anxiety.
Bukod dito, dahil nga nagsisilbing stressor ang social media para sa ilan, may mga taong nakakaranas ng mas matinding reaksyon na negatibo, lalo na kung ang dahilan ng mga ito ay hindi naaaksyunan.
Saan Ka Tutungo Mula Rito? Makakatulong ang mga Boundaries!
Dahil ginagamit ng mga tao ang social media para sa iba't-ibang mga paraan at layunin, hindi pare-pareho ang epekto at karanasan ng mga taong gumagamit nito. May mga tao nga na kailangang gamitin ang social media nang mas madalas dahil sa pangangailangan ng kanilang mga trabaho o pag-aaral.
Paano mo maiibsan ang iba sa mga negatibong epekto ng social media sa mental health? Pwede kang magsimula sa pagtukoy ng limitasyon at pagtakda ng mga boundaries. Darating ang panahon kung saan kailangan mo (o ng kilala mo) na maging mas mapanuri sa mga pinapanood o tinatangkilik sa mga platform na ito.
12 Ways Para Makagawa ng Boundaries sa Paggamit ng Social Media
Mas madaling sabihin kaysa gawin ang kasabihang “draw the line” sa pagitan ng mga content na makakabuti o makakasama sa social media. Marami rin kasing mga “gray areas” sa social media kung saan nahihirapan ang mga tao na gumawa ng boundaries.
Bukod dito, iba-iba ang hangganan ng mga tao pagdating sa mga kaya at hindi nila kayang makita o matalakay online. Pero kagaya ng iba pang mga gawain, kailangan mong magsimula sa isang lugar. Narito ang ilang mga tips na makakatulong para maiwasan ang paggamit ng husto ng social media:
- Kapag hindi komportable o nag-aalangan sa mga content, pages, o pati mga tao, iwasan o i-block sila.
- Sundan o bigyan ng atensyon ang mga content, pages, o personalidad na nagbibigay ng tama at maasahan na impormasyon, at tumutulong sa pagpapabuti ng iyong isip.
- Ingatan ang seguridad kapag gumagawa ng bagong accounts at ng mga post. Sikaping protektahan ang iyong sarili virtually, gaya ng pagprotekta mo sa sarili mo sa personal.
- Mag-disconnect sa social media sa ilang mga bahagi ng iyong araw. Halimbawa, huwag gumamit ng social media kapag nagmamaneho, nag-eehersisyo, kumakain, o kapag kasama ang mga kaibigan.
- Bantayan kung gaano katagal kang gumagamit ng social media araw-araw at gumawa ng mga layunin na nauugnay sa paghigpit ng paggamit mo sa mga platform na ito.
- Patayin o turn off ang mga notifications, lalo na kung nakakaramdam ng anxiety at stress.
- Iwasan ang paggamit o pagdala ng smartphone o tablet sa kama. Bago ka matulog, patayin ang mga device na ito o ilagay sa “Do Not Disturb” mode para maka-relax at recharge ka.
- Maglaan ng oras kada linggo para sa mga offline na interaksyon o pagtitipon kasama ng mga kaibigan o kapamilya. Huwag gumamit ng social media sa mga pagtitipon na ito.
- Kung may mga anak na menor de edad, bantayan ang kanilang paggamit ng social media. Manaliksik tungkol sa mga parental control features para sa ilang mga platforms na makakatulong sa paglimita ng paggamit ng social media ng mga bata, pag-schedule ng paggamit sa bahagi ng kanilang araw, at mabawasan ang exposure nila sa mga online bullies o kaya predators.
- Turuan ang mga anak na bata kung paano gumagana ang social media. Kahit bata pa sila, mahalaga na maintindihan nila na ang mga social media posts ay “curated content” na nililikha ng mga tao para ipakita sa iba ang kanilang buhay. Bukod dito, sabihan ang mga bata na hindi dapat nila iugnay ang kanilang popularidad o kanilang self-worth sa bilang ng engagements na natatanggap nila online. Huli sa lahat, hiyakatin sila na mag-report ng mga personalidad, content, pages, o platforms na hindi komportable para sa kanila o kinatatakutan nila.
- Hikayatin ang pakikilahok o pagsali sa pag-eehersisyo at iba pang mga offline na libangan, interes, at aktibidad, lalo na kung may face-to-face interaction na kailangan. Ang mga offline na aktibidad ay makakatulong sa pagbawas ng kanilang dependence para sa social media at magbigay daan para sa pagpapabuti ng kanilang self-worth at ng sari-saring social skills.
- Kumunsulta sa mental health professional kung nakakarandam ng pagka-overwhelm. Maaaring maging kapaki-pakinabang sa ilang mga kaso ang pagsasailalim sa therapy. Ang mga ekspertong ito ay makakatulong sa iyo sa pag-unawa ng sanhi ng mga isyu at magbigay ng suggestion ng mga paraan na makakatulong sa iyo o sa taong kilala mo sa mga susunod na pangyayari.
Ngayon at alam mo na kung paano nakakaapekto sa mental health ang social media, gamitin ang mga insights at strategies na nabanggit para tulungan kang magtatag ng mas malinaw na mga boundaries, mag-filter ng content na maaaring maging sanhi ng mga mental health issues, maging mas responsableng user ng social media.
References:
https://www.frontiersin.org/articles/10.3389/fsoc.2023.1132523/full
https://www.ncbi.nlm.nih.gov/pmc/articles/PMC7905185/
https://www.ncbi.nlm.nih.gov/pmc/articles/PMC7364393/
https://www.sciencedirect.com/science/article/pii/S2352250X22000070
https://www.helpguide.org/articles/mental-health/social-media-and-mental-health.htm