Marahil ay alam mo na ngayon na ang iyong immune system ay responsable sa pagpapalakas ng depensa ng iyong katawan laban sa mga virus at bacteria. Maraming organs ang kasali sa proseso na ito, ngunit ang 70% hanggang 80% ay matatagpuan sa iyong tiyan o gastrointestinal (GI) tract. Ang GI tract ay binubuo ng bibig, lalamunan (throat), esophagus, sikmura, maliit na bituka, malaking bituka, rectum, at anus.
Dahil dito, napakahalaga na panatilihin mo ang magandang gut health para ang iyong immune system ay mas lumakas laban sa mga germs, virus, at bacteria.
Isang paraan upang alagaan ang iyong tiyan (kasama na rin ang buong katawan) ay ang punan ito ng probiotics o good bacteria, lalo na ang mga nabibilang sa mga strain ng Lactobacillus o Bifidobacterium. Ang pagdagdag ng fermented na pagkain sa iyong diyeta ay isa sa pinakamahusay na paraan upang makuha ang mga probiotics na Lactobacilli.
Sa lacto-fermentation, inilulubog ang pagkain sa brine (tubig at asin) at dumadami ang bilang ng Lactobacilli. Sunod dito, brinibreakdown ang asukal na nagiging dahilan para maging lactic acid ang mixture na ito. Ang lactic acid ay nakakatulong sa pagpigil ng labis na pagdami ng mga bad organisms at nakatutulong mapreserve ang pagkain. Narito ang ilang mga pagpipilian ng fermented na pagkain na maaaring magustuhan mo:
- Yogurt: Ang yogurt ay isang kilalang pagkain na mayaman sa probiotics. Ginagawa ito sa pamamagitan ng paglalagay ng mga buhay na bacteria tulad ng Lactobacillus bulgaricus o Streptococcus thermophilus sa gatas. Dahil sa fermentation, ang gatas ay nagiging malapot at maasim na pagkain na mayaman sa protina at calcium.
Dahil sa fermentation, ang gatas ay nagiging malapot at maasim na pagkain na mayaman sa protina at calcium.
Tandaan lang, kapag bumibili ng yogurt, hanapin ang mga brand na may active o buhay na cultures at may kaunting asukal. Sa ganitong paraan, mas makakakuha ka ng mas maraming benepisyo sa kalusugan. Bukod dito wala ka ng sangkap na kailangan idagdag pa.
- Kimchi: Ang kilalang maanghang at maasim na tradisyunal na pagkain sa Korea na tinatawag na kimchi ay gawa sa paghalo ng mga gulay tulad ng repolyo, carrots, labanos, o pipino. Pinagsasama ang mga sangkap na ito sa isang lagayang puno ng brine sa loob ng ilang araw. Ang chili peppers, bawang, luya, fish sauce, asin, at iba pang sangkap na idinadagdag ang dahilan ng kakaibang lasa nito.
Bukod sa good bacteria, ang kimchi ay mayaman din sa Vitamins A, C, at K, folate, choline, at calcium.
- Sauerkraut: Kung hindi mo gusto ang maanghang na pagkain ngunit mahilig ka sa maasim at maalat, subukan ang sauerkraut na kilala sa mga bansang sa Europa. Gawa ito mula sa repolyo tulad ng kimchi ngunit ito'y binababad lamang sa brine na walang chili at iba pang sangkap.
Ang sauerkraut ay mayaman din sa Vitamins B6, C, at K, at mga nutrients tulad ng iron, potassium, at fiber.
Bukod sa tatlong ito, tingnan din ang iba pang pagkain na may probiotics tulad ng miso, kombucha (fermented black o green tea), o natto (fermented soybeans). Bagaman maaaring manibago ka sa lasa ng mga ito, tiyak na makikinabang ang iyong katawan mula sa maraming nutrients sa mga probiotics na ito.
References:
https://www.cancer.gov/publications/dictionaries/cancer-terms/def/gastrointestinal-tract
https://www.thespruceeats.com/kimchi-1328777
https://foodsafety.ces.ncsu.edu/%C3%A5p-content/uploads/2019/01/Kimchi-handout-Colorado-State.pdf
https://www.healthline.com/nutrition/does-kimchi-go-bad#shelf-life
https://www.healthline.com/nutrition/benefits-of-kimchi
https://www.healthline.com/nutrition/11-super-healthy-probiotic-foods
https://www.healthline.com/nutrition/8-benefits-of-kombucha-tea
https://my.clevelandclinic.org/health/articles/21196-immune-system
https://connect.uclahealth.org/2021/03/19/want-to-boost-immunity-look-to-the-gut/
https://www.medicalnewstoday.com/articles/264721#health-benefits
https://fsi.colostate.edu/yogurt/
https://www.hsph.harvard.edu/nutritionsource/food-features/yogurt/
https://www.everydayhealth.com/digestive-health/knowgurt-a-guide-to-probiotics-and-yogurt.aspx
https://ohioline.osu.edu/factsheet/hyg-5364
https://www.thekitchn.com/how-to-make-homemade-sauerkraut-in-a-mason-jar-193124
https://www.webmd.com/diet/health-benefits-kimchi https://www.verywellfit.com/sauerkraut-nutrition-facts-and-health-benefits-5193298